Monday, July 19, 2010

Zombie Land!

June 2008

Nakakita ka na ba ng Zombies? o sige kahit isa lang.. Zombie?
Ako oo, madalas. Madami. Kung tutuusin, muntik muntikan pa nga nila akong ma convert. Mabuti na lang matigas ang ulo ko.

Hunyo 2008. Wala akong trabaho. Nobya ko pa lang yun misis ko nun, pareho kaming walang trabaho. Isang araw may tawag na natangap sa telepono si Lora, may interview daw sya. Agad agad kaming umalis patungong makati. Pag dating sa building ng opisina, pumasok na agad si Lora, ako sa hagdan nakatunganga. Wala kasi silang sala para sa mga bisita. Mahina. Panay ang panglalait ko sa opisina ng biglang ako naman ang tinawag nila. Nagkataon naka long sleeves ako nun, gusto din daw ako makausap nung kanong amo nila. Sa madaling salita, pareho kami ni Lora nakuha. At ang lahat ay dito nagsimula.

Masaya sa umpisa, aircon, magandang upuan, magarang lamesa, at kagalang galang na mga ka opisina. Mabilis lumipas ang oras, parang hinipan lang ng hangin, tapos na agad, uwian na. Hintayin mo na lang ang kinsenas, sasahod ka na. Ayos to ah. Akala ko.

Sa aking daan pauwi, madalas kong napapansin ang mahabang pila ng mga tao na naglalakad papasok sa isang gusali. Kumpulan, siksikan, Dahan dahan ang pag-usad, pawisan, mapapansin mo sa kanilang katawan ang gutom at kapaguran. Mga zombies. Araw araw ganito, sa tuwing papalo ang alas singko.

Lumipas ang isang buwan, unti unti nang nagbabago ang eksena, bumabagal na ang ikot ng orasan sa opisina, paulit ulit ang ginagawa, nakakabato, nakakauya. Sa paguwi ko nung araw na yun, hindi ko na nakita ang mga zombies, normal lang ang paligid. Kumpulan, siksikan, mabagal ang pag usad, pawisan nako, gutom at sobrang pagod. Patungo kaming lahat sa iisang gusali na may karatulang "Landmark" sa may pintuan. Nakupo!

Bago pa lumala, nagresign na ko sa aking opisina. Ayokong tuluyang maging isang Zombie. Nawalan ako ng trabaho, pero ayos lang. inisipan ko na lang nang ibang paraan. Sa harap ng computer sa loob ng aking kwarto, nag hanap ng paraan para kumita ng iilang ginto. Nagtagumpay naman ako.

Sa ngayon, sa tuwing mamamasyal ako at abutin ng alas singko, nakikita ko pa din ang mga zombies na minsan kong nakasabay. Patuloy ang kanilang buhay. Napag isip-isip ko, yun ang normal ng mundo. Natural ang mga pangyayaring ito sa pananaw ng madaming tao. Utak ko lang ang nagdidikta na Zombies ang tawag sa mga tulad nila.

Normal sila.

Abnormal ako...




...buti na lang.

Wednesday, June 30, 2010

Fast Forward...

February 2009

Sa lahat ng nagtataka kung sino yang mga yan. Oo, Ako yan sa kanan, misis ko sa kaliwa at ang Pastor na nag kasal sa amin yung nasa gitna. At kung nagtataka ka pa. Oo ulit, kasal ko yan.

10 taon na ang nakalipas mula nung maranasan ko ang pinakamasarap at pinakamaginhawang umaga ng buhay ko. "Pinaka"? Akala ko lang pala. Hindi maipaliwanag ang aking naramdaman sa pagising ko sa araw ng aking kasal. Habang ang mga mata'y puno pa ng muta, puno rin ang damdamin ko nang kasiyahan at galak, humalo pa ang kaba na nag dulot ng hilab sa aking tiyan, kasabay pa ang sukang nag babadyang lumabas sa aking katawan. Wag kayong mag alala, sadyang ganon lang ako ma-excite.

Alas-kwatro ng umaga, gising na ang lahat sa bahay. Magulo, make-up dito, Make-up doon. "O sino na sunod na maliligo?" ang hiyaw ni mamu na natataranta, tila siya ang ikakasal. Masarap sa pakiramdam makita ang mga mahal mo sa buhay na excited din sa espesyal na araw mong haharapin. Agad agad na kong nag bihis, isinuot ang slacks na pantalon at ang kamiso-de-tsino na ipang loloob sa pinatahi kong barong. Hindi ako mapakali, sindi ng sigarilyo, nagpapa ikot-ikot sa loob ng bahay at sumindi ulit ng isa pa pag kaubos. Hindi naman sa kinakabahan.. Hindi ko lang talaga ma pigilan ang pagtakbo ng makulit na daga sa loob ng aking dibdib at sikmura.

Maaga kami dumating sa simbahan, madaming bumati at madami rin ang humingi ng kape. Maaga pa kasi. Dumarating na ang mga bisita. Mga ninong, ninang at mga kamaganak at mahal sa buhay, misis ko? hindi ko pa alam kung nasaan. Isa kasing tradisyon sa atin ang hindi pagkikita ng magkabiyak sa araw ng kanilang kasal bago pumanik sa altar. Biniro ako ng isang matandang lalaki sa labas ng simbahan habang akoy naninigarliyo. Nanaman. Kinakabahan nga diba? Sabi ng matanda, "Iho, sigurado ka bang sisipot sya?" natawa ako onti, dahil mejo nakakatawa naman talaga ang mukha nya, pero sa isip isip ko, loko to ah. Pero bakit ako mangangamba? Halos tatlong taon na kami magkakilala, saka pelikula lang naman yun na eeksena. Diba? Sabay text sa misis ko.. "Ling, san ka na banda?"

Makalipas ang ilang minuto, dumating na ang tamang oras. Bumukas ang pintuan ng simbahan at sa duloy may isang napaka gandang babae'ng nagalalakad dahan dahan patungo sa harapan na aking kinatatayuan. Tila tumigil ang oras, pati luha ko, slow motion ang paglabas. Wala nang salita ang kaya pang mag paliwanag sa hiwaga na ginawa ng Ama sa eksenang yun ng buhay ko. Tinalo si Spielberg at si Lino.

O sya, bago ko tapusin tong napakasayang kwento ng kasal ko. Nais kong ipakilala sa inyo ang magandang babae na tinutukoy ko.

Si Lora.

Misis ko.

Sunday, August 23, 2009

Bagong Umaga

March 1999

Ang sarap ng tulog ko kagabi, walang ingay, walang gulo, payapa. Tanging maririnig mo lang ay ang hilik ni mamu na napakahimbing din ng pagtulog. Gising na ako pero di pa ako agad bumangon. Natatakot pa rin lumabas dahil baka meron paring praning sa labas na paligid-ligid na may hawak na patalim. O baka may away na naman na sanhi ng hindi pagkakaintindihan ng pamilya na palaging mauuwi sa malakas na sigawan. Habang ako'y nag i-in-in sa higaan, si mamu bumangon na, ako ayaw ko pa din. Masarap kasi sa kwarto, pakiramdam ko lagi akong ligtas sa apat na pader na bumabarikada sa akin. Siguro nga weirdo kung papakingan, o pwede mong sabihing ang O.A. naman, pero hindi na kasi kaya ipaliwanag ng salita ang mga nangyari nung mga nakalipas na araw, linggo, buwan at taon bago sumikat ang araw na to.

Pagkalipas ng ilang minuto, sa wakas, nagdesisiyon na din akong bumangon. Dahan-dahang lumabas ng kwarto. Parang iba ang ihip ng hangin, masarap sa pakiramdam, presko sa espirito. Dumiretso ako sa sala, si mamu nag-aayos na ng gamit ni kuya, tinatabi yung masarap alalahanin, itatapon yung mga basura sa paningin. Tandang-tanda ko pa kung gaano kaganda ang sikat ng araw na pumasok sa aming bahay mula sa bukas na bintana, simbulo ng bagong umaga, bagong simula. Mga ibong nagkakatahan, mga anghel na nagsasayawan, parang langit. Wala nang adik, wala nang lasinggero, wala nang pasaway. Ngayong araw na 'to, kumpirmado na ang tagumpay. Sa wakas, tapos na ang mahaba-habang ingay.

Alam mo yun pelikulag "The Gwapings"? Yun bang pupunta yung isang grupo ng mag babarkada sa isang probinsya, mag babakasyon o kung anu man. Tapos sa gabi, may susugod na aswang o bampira o kung anu man. Tapos isang buong gabing engkwentro at labanan. Tapos ang ending, panalo sila, patay ang mga kulangot na laman ng lupa. Next scene? Bukang liwayway, masaya sila dahil sa wakas, tapos na din ang kanilang pag durusa. Patay na ang aswang, pahinga na sila. Ganoon yung naramdaman ko nitong umagang ito. Sarap diba?

Nangako ang Diyos, mag tiwala lang tayo sa kanya. Hindi nya tayo iiwan o pababayaan. Akala ko dati hindi na darating ang araw na ito, akala ko wala nang katapusan itong horror ng aming buhay. Akala ko hindi na matatalo at mamamatay ang manananggal.

Mali pala ang aking akala.

Dito na mag tatapos ang kwento ni Tatay at Kuya.

Tama nga ang pangako ng Ama.




Thursday, May 7, 2009

Wala yan sa lolo ko!

March 1999

Maestro Karpintero, Boss, Kalbo, Tatay Ruben, Lolo ko.. Sya si Ruben Incocencio, Tatay ng nanay ko. Nakasanayan rin namin syang tawaging "tatay" kaysa lolo, di ko rin alam kung bakit, siguro kasi pag lolo, parang pinapatanda mo ng husto yung tao. Si tatay ay isang mahusay na karpintero, pinauso sa Pinas ang pag buo ng mga upuan at hapagkainan na gawa sa kahoy ngunit hindi ginamitan ng anumang pako. Tanging Cola o Glue lang ang nag patayo at nag papatatag sa mga ito. Galing no?

Si tatay ay napakahilig sa inuming hinde pang bata, hinde pa na isusulat ni Chito ang mga katagang "tama na yan, Inuman na!" ay nabangit na ito ni lolo, Pag sumipa ang alas singko, kasabay ng pag patay ng makinang ginagamit nya sa trabaho ay ang pag sigaw ng "Tigilan na yan, Inuman na!!!". Ito ay isang naging rituwal sa araw araw. Ayos!

Kalbo? Oo, si tatay ay kalbo, pero hinde ito sa kanya naka-apekto, dahil kung hinde mo sya kakilala, sabay alaskahin sya na kalbo, ay jusme, simulan mo nang magtago. Si Tatay Ruben ay isang napakalakas na tao, kung susubukan nga ay kaya nya ang magpataob ng kalabaw,  parang si Tyson at Pacquiao. Ngunit lahat ng tao ay may kahinaan, at ang masama, kadalasan, kung sino pa ang malalakas sa pisikal, ay sila pa ang sobrang lambot o kritikal pag dating sa emosyonal. 

Isang buwan pakatapos ni Uro pumanaw, eto na si Tatay, naghihingalo, mahigpit ang kapit para hindi mapabitaw. Si Kuya Uro ay ang pangalawang anak ni Tatay Ruben, dala ng sobrang kalungkutan ng pagpanaw ng anak, si tatay ay inatake at na-confine sa hindi alam na kadahilanan. Isang umaga, nagsusuka, grabe ang hilo at sobrang putla. Agad agad isinugod nila mama sa ospital diyan banda sa Maynila. Pumutok pala ang isang ugat sa kanyang utak na nagpuno ng dugo sa kanyang kalahating bungo, ito ay dala ng matinding depresyon, ika ng kanyang doktor.

Alas dose ng tanghali, malungkot ang bahay, kumakain kami nila ate, patay ang hangin ng mga panahon na yun ng biglang humampas at sumara ng pagkalakas lakas ang pinto sa may sala. Sabay pasok ng mensahe sa beeper laman ang malungkot na balita. Isang buwan mula nang pag panaw ni Kuya, si Tatay, sumama na. 

Wednesday, January 21, 2009

Ang Kwento ni Uro

Febuary 1999

Si kuya Uro ang paborito kong tito, utol sya ni mama ko, napaka talentadong tao. Isipin mo, Pintor na, Adik pa. San ka pa? Sa mga narinig kong kwento, bata pa lang sya nang matutunan nya ang samu't saring bisyo. Rugby, Marijuana at Bato. May narinig pa nga ko,"Ekis Pinoy" ba ang tawag dun? ah basta, basta nakaka high, ilista mo na. Napakahusay nya gumuhit, mag pinta, at lumikha ng kung anu anong ideya. Masasabing pinag-pala rin ang mga magulang nya, kahit papano. Naging pasaway si Uro, sinira ang buhay sa kaka durog. Para sa kanya, ito ang nag bibigay buhay, ito ang talino, ito ang nag papalabas sa nag tatagong talento.

Marami ang mga napagsamahan namin ni kuya Uro, mga panahong masaya, malungkot at nakakatakot. Dumating kasi sa sitwasyon na hinde na kinakaya ni kuya ang sapi ng demonyo na nagmula sa kanyang hawak na droga. Bakal ang tingin nya sa amin, hinde nya kami nakikilala, umabot sa gusto na nya kaming saktan at patayin. Parang mga napapanood lang sa tv ang mga nangyari, pilit kong gustong gisingin ang sarili upang makatakas sa bangungot na sa akin ay sumasakal. Ngunit hinde pwede, kasi totoo ang lahat ng nasabi. May mga araw na okay si kuya, may mga araw din na bigla na lang napa-praning. Halos nasanay na nga kaming mag kakapatid sa paulit ulit na kaganapan na nangyayari sa aming harapan. Parang wala nang katapusan.

Sa dinami-raming paghihirap na aming pinag daanan kay kuya, dumating din ang panahon na pinaka-aasam. Isang linggong katahimikan, parang tigil putukan. Isang linggong nagpakabait si Kuya Uro, Isang linggong hinde bumatak, Isang linggong araw araw naliligo. Sa akin nya inubos ang halos lahat ng oras nya sa isang araw. Tinuruan nya kong gumuhit at mag pinta. Kung paano gawing makatotohanan ang pinintang ulap, at kung pano bubuhayin ang mata ng ginuhit mong mukha. Mga sikretong kahit kanino ay di pa nya naituro, mga sikretong sa akin lang nya pinag kaloob. Hinde ko naisip na pa-mana na pala ang lahat ng yon, paalamanan na pala ang kasunod.

Alas-tres ng madaling araw, ayon sa kwento ni tita ne, bigla akong bumangon mula sa pagkakatulog, nag mamadali, natataranta, tila may hinahanap. Saglit lang ang nag daan, balik na sa higaan, tulog ulit na parang walang nang yari. Alas-sais ng umaga, papasok na kami ni ate sa eskwela, nakita ko ang mahal kong tito, nakahiga sa ilalim ng aming puno. Pina lapitan ni mama si kuya Uro sa katulong namin, upang tignan kung anu ang kanyang ginagawa. Bumalik ang katulong, umiiyak,  namumutla. "Ate, si kuya, patay na..." ika nya. 
Tinapos ni kuya Uro ang kwento ng kanyang buhay gamit ang lubid sa leeg. Siguro'y naisip nya na tama na ang nakagawa sya ng isang linggong kabutihan, delikado na, baka muli pang maputikan. 

Naalala mo pa ba nung paiyakin ako ng matabang babae na humablot sa bote ng beer na aking hawak nung akoy pinanganak? Ang saya-saya nila habang ako ay lumuluha. Mga sadista. Sampung taon na ang nakalipas mula nun, badtrip talaga oh, pinaiyak nanaman ako. 

Monday, January 19, 2009

Ang batang makulit, Pinapalo sa puwit. Bow.

January 1995

Anim na taon na ko nung napatunayan ko sa sarili ko na hindi ako lampa. Natuto na din akong mag bisekleta, yun bang bike na tatlo ang gulong. Sabi nila ligtas daw ang klase ng bisikleta na yun kaya pwede sa bata, pag tapos ng mga nangyari sakin, parang di nako naniniwala. Hapon yun ng biyernes, kakagising ko lang. Pag bangon ko, asar pa rin ako sa lahat dahil sa pag pilit nila saking matulog ng tanghali. Dumiiretso ko sa aking bisekleta at nag paikot ikot sa bakuran namin. May limang hakbang ng hagdan papuntang pintuan mula bakuran. Binabantayan ako nun ni tita. Hindi ko alam ang kadahilanan kung bakit trip na trip ko mag mabilis ng pag papatakbo nung araw na yun sabay preno ng malakas pag malapit na ko mahulog sa mga baitang. 8 beses ako pinagsabihan na wag na ulitin yun, e makulit ako. Ayun, sumunod na eksena, hirap na hirap ang mga tito ko sa pagkuha sa kin sa aking pagkakatihaya. Nagkakabuhol-buhol ng aking katawan sa kawawa kong bisekleta, alalang-alala ko nun, bago pa naman yun, nagasgasahan ko ata.

Pagkalipas ng isang araw, eto nanaman ako, nawala na ang trauma, balik sa paglalaro, tuloy ang ligaya. May idol akong super hero, si "The Flash". Para sa mga hindi sa kanya nakakakilala, sobrang bilis niya kumilos at maganda ang logo nya. Pinag isipan ko ng maiigi kung panu ako bibilis tulad nya, hanggang isang araw, nadiskubre ko ang kasagutan, kakalampaso lang ni mama, ang sahig madulas at makintab pa. Kumuha ako ng dalawang basahan, tinuntong ang magkabilang paa sa tig-isang basahan, konting buwelo at hala, dirediretso ang arangkada. Sa kalagitnaan ng aking mabilis na pag usad, meron akong biglang naalala, panu ako titigil? pilit kong gustong isipin, ngunit huli na ang lahat, hampas sa refregirator, basag nanaman ang mga ipin.

Mula nun tinigil ko na ang mga larong nakakasakit ng katawan. Ayaw ko na ng mabibilis na bagay tulad ng bisikleta at super powers ni The Flash, naaaliw lang ako ng husto hanggang makakalimutan ko na kung paano ang pag hinto. Ayun, sakit lang sa ulo. Kaya nag isip ako ng iba, nais kong subukan abutin at marating ang minimithi ng maraming bata.... ang ibabaw ng refrigerator. (o baka ako lang ang nangangarap nun). Habang walang nakatingin, dahan dahan kong pinanik, sa di maipaliwanag na paraan, akoy nag tagumpay. Aking na-angkin ang bundok na minsan ng bumasag sa aking mga ipin. Sa sobrang saya, nakalimutan ko ang lahat ng disgrasya na sa akin ay nangyari at umamba. Nawala na rin ang inggit na maging tulad si The Flash, dahil sa mga panahong yun, pakiramdam ko'y napakalakas ko na. Mabango ang simoy ng hangin sa taas, mejo malamig, at maganda ang tanawin, sobra, tila ayaw ko nang "bumaba". Huh!?! Biglang dumapo sa isip ko ang isang napakalaking problema...

"Shit! Paano ko bababa?"  

Friday, January 16, 2009

Maltesers..yummy or yucky?

December 11 1994

Kaarawan ng bunso kong kapatid noon, kaka 3 years old lang nya, gaya ng araw araw nyang gawain, palakad lakad lang sya sa loob ng bahay hawak ang manika nyang pinangalanang "kang-kang", sobra ang topak nya at panay ang pananakit nya, ngunit sa likod ng lahat ng ito ay siguradong lalapitan mo pa din sya dahil sa cute nyang mukha. Mejo busy ang atmosphere sa bahay nun, kakarating lang nila mama at papa galing Uniwide, namili ata sila ng pang handa sa birthday ni Keren, Keren nga pala ang palayaw ng kapatid kong bunso, Keng-Keng ang tunay nyang pangalan.

May pasalubong samin sila mama, tsokolate. Tuwang tuwa ang birthday girl sa pasalubong, sinamantala nya ang sitwasyon habang nag aadik kami ni ate kaka laro ng family computer upang angkinin ang lahat ng tsokolate na dapat ay para saming tatlo. Hawak hawak ni Keren ang supot nito habang paligid ligid sa tabi namin ni ate upang mang inggit sa sarap ng kinakain. Marami rami na syang nakain ng mapansin kong bakit nawala ang parte namin, sinubukan kong humingi ngunit ayaw ni bunso mamigay, patuloy ang ikot at ligid nya samin habang pilit inuubos ang tsokolateng hawak. 

Hulog ng langit, sa sahig, isang tskolatey biglang nalaglalg, gumulong palapit sa akin. Swerte talaga, nde lang isa, may sumunod pang dalawa. Patago ko itong kinuha, at mabilis sinubo ang isa, mejo iba ang lasa, pero okay lang, atleast masaya. Biglang natigil sa pag lalaro ang nakatatanda kong kapatid, "bakit ang baho? umutot ka ba?" agad nyang tanong sa akin. Biglang meron syang napansing kakaiba, ang mga tsokolateng hawak ni keren, gumugulong isa isa. Bigla akong kinabahan, at unti unting nag imbistiga, supot na hawak ni Keren, wala na. Kanina pay naitapon na pala. Ngunit nakapag tataka, nakain kong tsokolatey saan nag mula?

Pumipito ang katahimikan sa aking tenga, nag iisip, nangangamba. Nang biglang isigaw ni mama ang katotohanan, 

"Aujan, si Keren tumae! Pakihugasan!".