Monday, July 19, 2010

Zombie Land!

June 2008

Nakakita ka na ba ng Zombies? o sige kahit isa lang.. Zombie?
Ako oo, madalas. Madami. Kung tutuusin, muntik muntikan pa nga nila akong ma convert. Mabuti na lang matigas ang ulo ko.

Hunyo 2008. Wala akong trabaho. Nobya ko pa lang yun misis ko nun, pareho kaming walang trabaho. Isang araw may tawag na natangap sa telepono si Lora, may interview daw sya. Agad agad kaming umalis patungong makati. Pag dating sa building ng opisina, pumasok na agad si Lora, ako sa hagdan nakatunganga. Wala kasi silang sala para sa mga bisita. Mahina. Panay ang panglalait ko sa opisina ng biglang ako naman ang tinawag nila. Nagkataon naka long sleeves ako nun, gusto din daw ako makausap nung kanong amo nila. Sa madaling salita, pareho kami ni Lora nakuha. At ang lahat ay dito nagsimula.

Masaya sa umpisa, aircon, magandang upuan, magarang lamesa, at kagalang galang na mga ka opisina. Mabilis lumipas ang oras, parang hinipan lang ng hangin, tapos na agad, uwian na. Hintayin mo na lang ang kinsenas, sasahod ka na. Ayos to ah. Akala ko.

Sa aking daan pauwi, madalas kong napapansin ang mahabang pila ng mga tao na naglalakad papasok sa isang gusali. Kumpulan, siksikan, Dahan dahan ang pag-usad, pawisan, mapapansin mo sa kanilang katawan ang gutom at kapaguran. Mga zombies. Araw araw ganito, sa tuwing papalo ang alas singko.

Lumipas ang isang buwan, unti unti nang nagbabago ang eksena, bumabagal na ang ikot ng orasan sa opisina, paulit ulit ang ginagawa, nakakabato, nakakauya. Sa paguwi ko nung araw na yun, hindi ko na nakita ang mga zombies, normal lang ang paligid. Kumpulan, siksikan, mabagal ang pag usad, pawisan nako, gutom at sobrang pagod. Patungo kaming lahat sa iisang gusali na may karatulang "Landmark" sa may pintuan. Nakupo!

Bago pa lumala, nagresign na ko sa aking opisina. Ayokong tuluyang maging isang Zombie. Nawalan ako ng trabaho, pero ayos lang. inisipan ko na lang nang ibang paraan. Sa harap ng computer sa loob ng aking kwarto, nag hanap ng paraan para kumita ng iilang ginto. Nagtagumpay naman ako.

Sa ngayon, sa tuwing mamamasyal ako at abutin ng alas singko, nakikita ko pa din ang mga zombies na minsan kong nakasabay. Patuloy ang kanilang buhay. Napag isip-isip ko, yun ang normal ng mundo. Natural ang mga pangyayaring ito sa pananaw ng madaming tao. Utak ko lang ang nagdidikta na Zombies ang tawag sa mga tulad nila.

Normal sila.

Abnormal ako...




...buti na lang.

Wednesday, June 30, 2010

Fast Forward...

February 2009

Sa lahat ng nagtataka kung sino yang mga yan. Oo, Ako yan sa kanan, misis ko sa kaliwa at ang Pastor na nag kasal sa amin yung nasa gitna. At kung nagtataka ka pa. Oo ulit, kasal ko yan.

10 taon na ang nakalipas mula nung maranasan ko ang pinakamasarap at pinakamaginhawang umaga ng buhay ko. "Pinaka"? Akala ko lang pala. Hindi maipaliwanag ang aking naramdaman sa pagising ko sa araw ng aking kasal. Habang ang mga mata'y puno pa ng muta, puno rin ang damdamin ko nang kasiyahan at galak, humalo pa ang kaba na nag dulot ng hilab sa aking tiyan, kasabay pa ang sukang nag babadyang lumabas sa aking katawan. Wag kayong mag alala, sadyang ganon lang ako ma-excite.

Alas-kwatro ng umaga, gising na ang lahat sa bahay. Magulo, make-up dito, Make-up doon. "O sino na sunod na maliligo?" ang hiyaw ni mamu na natataranta, tila siya ang ikakasal. Masarap sa pakiramdam makita ang mga mahal mo sa buhay na excited din sa espesyal na araw mong haharapin. Agad agad na kong nag bihis, isinuot ang slacks na pantalon at ang kamiso-de-tsino na ipang loloob sa pinatahi kong barong. Hindi ako mapakali, sindi ng sigarilyo, nagpapa ikot-ikot sa loob ng bahay at sumindi ulit ng isa pa pag kaubos. Hindi naman sa kinakabahan.. Hindi ko lang talaga ma pigilan ang pagtakbo ng makulit na daga sa loob ng aking dibdib at sikmura.

Maaga kami dumating sa simbahan, madaming bumati at madami rin ang humingi ng kape. Maaga pa kasi. Dumarating na ang mga bisita. Mga ninong, ninang at mga kamaganak at mahal sa buhay, misis ko? hindi ko pa alam kung nasaan. Isa kasing tradisyon sa atin ang hindi pagkikita ng magkabiyak sa araw ng kanilang kasal bago pumanik sa altar. Biniro ako ng isang matandang lalaki sa labas ng simbahan habang akoy naninigarliyo. Nanaman. Kinakabahan nga diba? Sabi ng matanda, "Iho, sigurado ka bang sisipot sya?" natawa ako onti, dahil mejo nakakatawa naman talaga ang mukha nya, pero sa isip isip ko, loko to ah. Pero bakit ako mangangamba? Halos tatlong taon na kami magkakilala, saka pelikula lang naman yun na eeksena. Diba? Sabay text sa misis ko.. "Ling, san ka na banda?"

Makalipas ang ilang minuto, dumating na ang tamang oras. Bumukas ang pintuan ng simbahan at sa duloy may isang napaka gandang babae'ng nagalalakad dahan dahan patungo sa harapan na aking kinatatayuan. Tila tumigil ang oras, pati luha ko, slow motion ang paglabas. Wala nang salita ang kaya pang mag paliwanag sa hiwaga na ginawa ng Ama sa eksenang yun ng buhay ko. Tinalo si Spielberg at si Lino.

O sya, bago ko tapusin tong napakasayang kwento ng kasal ko. Nais kong ipakilala sa inyo ang magandang babae na tinutukoy ko.

Si Lora.

Misis ko.