Wednesday, January 21, 2009

Ang Kwento ni Uro

Febuary 1999

Si kuya Uro ang paborito kong tito, utol sya ni mama ko, napaka talentadong tao. Isipin mo, Pintor na, Adik pa. San ka pa? Sa mga narinig kong kwento, bata pa lang sya nang matutunan nya ang samu't saring bisyo. Rugby, Marijuana at Bato. May narinig pa nga ko,"Ekis Pinoy" ba ang tawag dun? ah basta, basta nakaka high, ilista mo na. Napakahusay nya gumuhit, mag pinta, at lumikha ng kung anu anong ideya. Masasabing pinag-pala rin ang mga magulang nya, kahit papano. Naging pasaway si Uro, sinira ang buhay sa kaka durog. Para sa kanya, ito ang nag bibigay buhay, ito ang talino, ito ang nag papalabas sa nag tatagong talento.

Marami ang mga napagsamahan namin ni kuya Uro, mga panahong masaya, malungkot at nakakatakot. Dumating kasi sa sitwasyon na hinde na kinakaya ni kuya ang sapi ng demonyo na nagmula sa kanyang hawak na droga. Bakal ang tingin nya sa amin, hinde nya kami nakikilala, umabot sa gusto na nya kaming saktan at patayin. Parang mga napapanood lang sa tv ang mga nangyari, pilit kong gustong gisingin ang sarili upang makatakas sa bangungot na sa akin ay sumasakal. Ngunit hinde pwede, kasi totoo ang lahat ng nasabi. May mga araw na okay si kuya, may mga araw din na bigla na lang napa-praning. Halos nasanay na nga kaming mag kakapatid sa paulit ulit na kaganapan na nangyayari sa aming harapan. Parang wala nang katapusan.

Sa dinami-raming paghihirap na aming pinag daanan kay kuya, dumating din ang panahon na pinaka-aasam. Isang linggong katahimikan, parang tigil putukan. Isang linggong nagpakabait si Kuya Uro, Isang linggong hinde bumatak, Isang linggong araw araw naliligo. Sa akin nya inubos ang halos lahat ng oras nya sa isang araw. Tinuruan nya kong gumuhit at mag pinta. Kung paano gawing makatotohanan ang pinintang ulap, at kung pano bubuhayin ang mata ng ginuhit mong mukha. Mga sikretong kahit kanino ay di pa nya naituro, mga sikretong sa akin lang nya pinag kaloob. Hinde ko naisip na pa-mana na pala ang lahat ng yon, paalamanan na pala ang kasunod.

Alas-tres ng madaling araw, ayon sa kwento ni tita ne, bigla akong bumangon mula sa pagkakatulog, nag mamadali, natataranta, tila may hinahanap. Saglit lang ang nag daan, balik na sa higaan, tulog ulit na parang walang nang yari. Alas-sais ng umaga, papasok na kami ni ate sa eskwela, nakita ko ang mahal kong tito, nakahiga sa ilalim ng aming puno. Pina lapitan ni mama si kuya Uro sa katulong namin, upang tignan kung anu ang kanyang ginagawa. Bumalik ang katulong, umiiyak,  namumutla. "Ate, si kuya, patay na..." ika nya. 
Tinapos ni kuya Uro ang kwento ng kanyang buhay gamit ang lubid sa leeg. Siguro'y naisip nya na tama na ang nakagawa sya ng isang linggong kabutihan, delikado na, baka muli pang maputikan. 

Naalala mo pa ba nung paiyakin ako ng matabang babae na humablot sa bote ng beer na aking hawak nung akoy pinanganak? Ang saya-saya nila habang ako ay lumuluha. Mga sadista. Sampung taon na ang nakalipas mula nun, badtrip talaga oh, pinaiyak nanaman ako. 

2 comments:

  1. Si Kuya Uro ang ehemplo ng mga katagang:

    "Nakakamiss pag patay, nakakainis pag buhay."

    Rockers ka Kuya Uro!

    Bravo Pat!

    *applause

    ReplyDelete
  2. Nakaka-miss talaga si Uro. Masayang kasama at laging maraming idea na mapupulot sa kanya. Naalala ko ang paborito niyang banda noon na Maria Cafra. Nawa ay sumalangit na ang kanyang kaluluwa...

    ReplyDelete